Akala ng mga tao na ang pag-ibig ay parang falling star na basta-basta nalang nahuhulog sa langit nang hindi inaasahan. Naniniwala ako na mas maihahambing mo pa sa pagpili ng kakainin sa isang karindirya o pagpili ng babasahin o pagpili ng magandang damit ang pagkahulog natin sa pag-ibig. Dapat hindi binabalewala ng mga tao ang kahalagahan ng pagpili at paggawa ng desisyon sa larangan ng pag-ibig dahil dito, mas naiintindihan natin ang mga nangyayari sa atin at mas nakakaisip tayo ng maayos at rasyonal. Kung magagawa natin ito, mas natitiyak kong kokonti ang mga taong iiyak at magpapakamatay dahil sa maling pag-ibig.
Karaniwan, dahil sa mga emosyon na naglalabasan kapag nakikita natin ang mga taong gusto natin, nawawala tayo sa katinuan at hindi na tayo nakakapag-isip ng maayos. Nabubulag tayo sa lakas ng pintig ng ating mga puso at sa bilis ng ating paghinga. Hindi natin binibigyan ng panahon ang mga sarili nating mag-isip ng mga konseptong maaring magpaliwanag sa ating mga nararamdaman. Kaya mas nauuwi sa iyakan at sisihan ang lahat.
Ano nga ba ang batayan sa pagpili ng taong mamahalin? Kagandahan? Kagwapohan? Kaseksihan? Kamachohan? Kabaitan? Magaling sumayaw? Magaling kumanta? Matalino? Ano nga ba? Iba-iba ang konsepto natin kapag sinasabi nating "ideal man or woman" kaya dahil din dito, mas madalas tayong sumusunod sa maling itsura ng pagmamahal.
Halimbawa, sa pagpili ng pagkain, sa pagitan ng fried chicken at ginataang langka. Ano ang pipiliin mo, ang masarap ngunit nakakasira ng katawan o ang hindi masyadong kasarapan pero nagbibigay ng lakas sa katawan at isipan? Sa pagitan naman ng komiks at Biology book, ano ang pipiliin mo: ang nakakaaliw o ang nakakapagpatalino? Kung sa damit naman, ang branded ngunit nakakabutas ng bulsa o ang ukay-ukay na imported pero nagamit na?
Dahil sa pagkakaiba ng mga tao, hindi parating napipili ang mga bagay na karapat-dapat piliin. At dahil din sa pagkabulag natin sa mga ilusyon ay hindi natin napapansin na ang ilusyon pala ang minamahal natin at hindi ang katotohanan. Kaya, pagdating ng panahon na ipinapakita na sa atin ang katotohanan, nagiging dismayado tayo at doon magsisimula ang pagiging "broken hearted" natin. Dahil sa mga "expectations" na hindi natutupad o sadyang hindi nakakamit kaya tayo ay nagiging miserable sa pag-ibig.
Ang pagmamahal ay isang napakaimportanteng desisyon na hindi lamang materyal na kaligayahan ang mapupunan, kundi pati na rin ang kabuuang katauhan.
No comments:
Post a Comment