Para sa isang estudyanteng mag-isang naglalakbay sa mapanganib at malawak na syudad na ito, isa sa pinakamahirap gawin ay ang makahanap ng isang tahanang kakanlong sa payak kong pagkatao. Ngunit sa kabila ng masukal na daan patungo sa lugar kung saan ako nakatadhana ay nakita ko pa rin ang liwanag at tinig ng mga nilalang na handang yumakap sa akin ng buong puso maging sino man at ano man ako.
Nagsimula ang lahat Pebrero noong isang taon habang ako’y nasa ikalawang semestro pa lamang ako ng aking unang taon sa kolehiyo. Pagkatapos ng walong buwan kong paghahanap ng lugar na masisilungan sa loob ng magulo, matao at maingay na institusyong ito ay nakita ko ang natatanging lugar sa unibersidad kung saan taos pusong tumatanggap ng mga taong naliligaw ang landas at nais makita ang tamang daan.
Doon ay nakita ko ang isang grupo ng mga estudyanteng masayang nagkakantahan. Ang mga tinig nila’y sing ganda ng mga anghel sa langit at kay sarap sa pandinig kagaya ng tunog ng kalikasang nilikha ng Maykapal. Natigilan ako’t napapikit sa ganda ng musikang pinapatugtog at mga notang inaawit ng buong puso ng mga estudyanteng iyon. Ako’y napahanga at napatulala.
Sa pagdaan ng mga araw ay napapadalas ang pagbisita ko sa sagradong lugar na iyon dahil alam kong doon lamang magkakaroon ng katiwasayan at kapayapaan ang isip kong sabog dulot araw-araw na gawain sa mga asignaturang kay hirap-hirap. Ngunit isang araw, habang nakaupo sa silya sa loob ng simbahan ay sumagi sa isip ko ang isang larawang niminsan ay hindi ko inakalang maiisip ko. Sa larawan, ang koral na hinahangaan ko ay nagtatanghal sa isang programa sa unibersidad, ngunit ang nakakagulat ay sa gitna ng mga estudyanteng iyon ay nakita ko ang aking sarili na kumakanta kasama sila. Napaisip ako sa nakita ko, bakit nga ba hindi? Kahit hindi ako magaling kumanta, ngunit kahit papaano’y marunong naman. Naramdaman ko din ang lukso ng damdamin nung naisip ko na kakanta ako para sa Panginoon at kasama ang mga taong kapareho kong may hilig sa pagkanta. Ang gandang panaginip, pero, makakaya ko kayang makipagsabayan at makihalubilo sa mga taong iyon? Alam ko na kayrami akong pag-aalinlangan bago ko napagdesisyonang magtanong tungkol sa planong pagsali ko sa koral na iyon. Ngunit hindi ako nagpadaig sa mga takot at mga alinlangan ko dahil alam ko na magiging masaya ako kung sasali man ako sa kanila.
Noong hapon ding iyon, pagkatapos ng misa ay nilapitan ko ang isa sa mga miyembro ng koral, si Ate Karen. Hindi ko inakalang s’ya pala ang magiging presidente ng grupo para sa taon na ito. Sinagot niya ang mga katanungan ko ng may ngiti sa labi at naramdaman ko ang init ng pagtanggap niya sa akin, pinadama niya sa akin na pwede kong ipagkatiwala ang panahon at talent sa kanila.
Sa punto ding iyon ay pinakilala sa akin ni Ate Karen ang Sub-Dominant 7, ang opisyal na koral ng Ateneo de Davao College Chapel. Pwedeng sumali ang kahit sinong interesadong matuto at kumanta para sa Panginoon na nasa ikalawang taon hanggang nasa ikalimang taon na sila sa kanilang pag-aaral dito sa Ateneo. Ang mga nasa unang taon pa lamang ay tinuturing na aspirant hanggang sa puntong pwede na silang mapabilang sa isang club pagtungtong nila sa ikalawang taon. Maliban sa pagkakaroon ko ng kaunting kaalaman tungkol sa Sub-Dominant 7 ay nakilala ko rin ang ilan sa mga miyembro ng koral. Pagkatapos ng pagtatagpong iyon ay mas tumindi ang aking kagustuhang sumali sa Sub-Dominant 7.
Nang sumipot ako sa isa sa mga ensayo nila sa F303 Activity Period ay nakilala ko si Kuya Nigel. Nagulat ako nang pinakanta n’ya ako ng paborito kong kanta sa harap ng ibang SubDomers. Isa pala iyon sa mga paraan para malaman ko kung sa anong Voice ako nababagay. Dahil dun, kinanta ko ang “Love Story” ni Taylor Swift. Pagkatapos ng pagkanta ko, ay napag-isip siya at napagdesisyonan niyang ilagay ako sa Soprano 2. Agad naman akong tinanggap ng mga Soprano.
Dahil sa mga tawanan na nasaksihan ko, mga kantang kinanta naming ng sama-sama at mga taong tanggap ako, na hindi ko na kailangang magpanggap at magsuot ng mascara para magustuhan nila ako, napalapit na sa akin ang Sub-Dominant 7.
Ilang linggo ko pa lang silang kasama, nagkaroon na ako ng pagkakataon na kumanta para sa University Mass para sa Ash Wednesday. Iyon ang pinakaunang pagkakataong kumanta ako bilang miyembro ng isang koral sa isang misa. Hindi naman talaga ako malapit sa Panginoon, ngunit dahil sa Sub-Dominant 7 ay mas napalapit ako sa Kanya ngayon.
Maliban sa mga oportunidad na naibibigay sa akin ng club na ito ay nahuhusay ko pa ang aking kakayahan at talento. Napapahusay ko rin ang aking istilo sa pagkanta, natutuloy ko ang aking pag-aaral ng byulin dahil sa tinuturuan ako ni Ate Karen at pinapahiram niya ako sa kanyang byulin para daw makapag-ensayo ako sa bahay at natututo na rin akong tumugtog ng piyano. Sa tulong ng mga kasamahan naming handang ibahagi ang kanilang natutunan at kaalaman sa mga kaibigan nila ay hindi lamang nagiging bihasa ang mga Sub-Domers sa iisang bagay gaya na lamang ng pagkanta.
Nasisiyahan din ako dahil nagkaroon ako ng mga kaibigan na totoong maaasahan ko. Sa klase kasi naming ay kailangan mo pang maging sosyal at mayaman para matanggap ka. Mas nadadama ko pang mas matagal ko nang kasama ang mga SubDomers kaysa sa aking mga kaklase. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nahihirapan akong maghanap ng isang kanlungan. Kasi dapat ang kaklase mo ang kauna-unahang tutulong at magmamahal sa’yo, ngunit isa ako sa mga eksepsyon. Datapwa’t hindi ko na iniisip ang bagay na iyon dahil nand’yan na ang mga kasama ko sa koral.
Dahil din sa Sub-Dominant 7 ay mas napalawak ang bilang ng aking mga kaibigan, kagaya nina: Ate Karen, Kuya Dan, Mama Kritty, Daddy Joff, Mama Cheng, Ate Rhen, Ate Gigi, Ate Doreen, Kuya Aga, Ate Alou, Kuya Harold, Kuya Kevin, Ate Mitch, Ate Elmo, Ate Mia, Ate Patty, Ate Thea, Kuya Louie, Kuya Tor, Kuya Norman, Ate Rio, Kuya Cham, Kuya Mark, Ate Kakak, Ate Adelle, Aimee Joy, Aron, Brian, Cholo, Kamahalan, Dash, Dever, Edin, Jake 1 and Jake 2, Ever, Fifi, Ate Gayle, Gio, Ate Hannah, Hannah, Jefford, Kiezel, PJ, Kuya Melvin, Kuya PaJ, Raymand, Kuya Ron, Irish, Kuya Joseph, at marami pang iba.
Nakilala ko rin sa Sub-Dom ang naging inspirasyon ko sa aking pag-aaral. Nakita ko s’ya noong Hulyo noong nakaraang taon nang nasa ikalawang taon na ako sa unibersidad. Isa siya sa pinakamaingay habang nag-eensayo kami nung araw na iyon. Medyo naiingayan at naiirita pa ako nun sa kanya ngunit hindi ko inakalang may mamumuo akong damdamin para sa kanya. Noong una’y binalewala ko lamang ang lahat, pero nang naisip ko sabihin sa kanya ang nararamdaman ko pagkaraan ng ilang buwan nang hindi nawala ang damdamin na iyon. Alam kong medyo may lakasan ako ng loob nun at marahil nakapagtataka kung bakit ginawa ko yun. Sa totoo nun ay natatakot ako na hindi n’ya malaman ang lahat at bigla na lamang siyang magpaalam. Pagkatapos ng lahat, kahit na hindi ko hinihintay ang kasagutan n’ya’y sinabi n’yang may gusto s’yang iba, pero sa inaasahan ko naging magaan naman ang pagtanggap ko sa sinabi n’ya. Ngayon, nananatili pa rin kaming magkaibigan, nagkaroon pa ako ng isang matalik na kaibigan, at dahil iyon sa Sub-Dom.
Maliban sa mga nabanggit ko ay nakakagaan din sa pakiramdam ang pagdalaw sa simbahan sa kabila ng mahigpit mo na skedyul. Siguro, kung hindi ako nagdesisyon na sumali sa Sub-Dom ay marahil pagala-gala lamang ako ngayon, walang direksyon ang buhay pagkatapos ng klase. Isa rin sa mga bagay na pinasasalamatan ko ay ang pagturo sa akin ng tamang daan patungo sa liwanag ng simbahan. Dahil dito’y nagkaroon ako ng mga karanasang pwede kong baunin sa pagdaan at paglipas ng panahon, higit sa lahat ay nahanap ko ang aking pangalawang pamilya at pangalawang tahanan.
No comments:
Post a Comment