Thursday, May 05, 2011

Bulag na Pag-ibig o Sadyang Tanga Lang?

Sabi ng iba, ang pag-ibig nga daw ay bulag, ngunit, bakit nga ba dahil sa pagkabulag na ito ay nasasaktan pa rin ang tao kahit pag-ibig na inaasam-asam ay kumakatok na sa pintuan ng puso? Isa ito sa mga tanong na bumabagabag sa isipan ko sa mga panahon ngayon na hindi napapanahon. Wala sa tamang oras, wala sa tamang sitwasyon, wala sa tamang tao at wala sa tamang lugar ang lahat. Kaya ang tanong ko, sapat na nga ba ang mga ngiti at tawanan, matatamis na salita, maiinit nayakapan o mabibigat na pangako ng walang hanggan, para masabi mong pag-ibig ay nariyan na? At magawa mong isugal ang buong puso mo sa walang katiyakang relasyon? Bulag nga ba o katangahan lang?

            Noon, isa lamang akong hamak na probinsyana na nabigyan ng pagkakataon at oportunidad na makapag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad na ito. Ang layunin ko lamang ay ang matuto at magkaroon ng sapat na kaalaman at edukasyon na maghahanda sa akin sa hamon ng totoong buhay sa labas ng pangangalaga ng aking mga magulang. Hindi ko inakalang magkakaroon ako ng karanasan sa pag-ibig. Oo, pinangarap ko noon na makatagpo ng isang lalaki na mayaman, matalino, mabait, masipag, maunawain, maginoo, malambing, at maaasahan. Ngunit maaari nga bang magkatotoo ang lahat ng iyon kung wala ako kahit isang katangian na masasabi mong natatangi o nangunguna ako?

            Siguro, sa isang yugto sa buhay ng tao ay pinalalasap siya ng kasiyahan na walang  kapantay. Ngunit ang masaklap ay hindi mo masasabing peke lamang ang lahat ng nangyayari. Malalaman mo na lamang ang lahat kapag nakikita mo na ang sarili mong naliligo sa sarili mong dugo ng kahihiyan, dugo na nagmula sa sugat na hiniwa ng taong nang-iwan sayo.

            May nakilala ako kamakailan lamang at sa maraming paraan ay pinadama niya sa akin kung ano ang pakiramdam na magkaroon ng isang lalaki sa buhay na inaasam at pinapangarap mo. Ngunit isa siya sa mga pinangarap ko na hanggang panaginip na lamang. Ang lahat ng nangyari ay naging mabilis na parang natulog lamang ako, at ngayon, nagising ako na mag-isa, habang naiiwan sa panaginip na iyon ang taong mahal mo, na kahit anong dasal mo na mapanaginipan mo ulit para makasama siya ay hindi pa rin matupad-tupad. Sa pagkagising ko sa panaginip na iyon ay iniwan sa akin ang isang pagnanais at pangngailangan na nagdulot na akin ng pagkalugmok.

            Paano nga ba ako masaktan?

            Nasugatan na ako noon. Masakit, oo. Ngunit ang sugat sa puso ko ngayon ay hindi mo maikukumpara sa bawat dapa at pagkahulog ko noon. Sa kadahilanang ang pisikal na sakit ay maaari mong makalimutan at mahilom, ngunit ang sugat sa puso ay ginagambala ka sa tuwing ika’y mag-isa at napapaisip. Ang sakit ay unti-unting bumabalot sa buong katauhan mo nang hindi mo namamalayan hanggang dumating sa puntong magiging manhid ka na.

            Sa pag-alis ni Carl ay nagawa rin n’yang dalhin ang kakayahan kong ngumiti at sumaya. Nagawa niyang patayin ang alab ng apoy na bumubuhay sa diwa ko at pag-asa ng malamig na hanging hinihip niya ng pabigla. Ngayon ay binabalot ako ng lamig at lungkot dahil sa tingin ko’y nawala ang lahat ng rason ko para sumigla ulit.

            Napakasakit isipin na ang taong kumarga sa akin mula sa pagkalugmok ko sa nakaraan ay siya ring magbabaon sa akin sa mas malalim pa pagkakalagyan. Hindi ko lubos maisip na iiwan n’ya ako sa ere, iniwan ako ng taong pinagpalitan ko ng nakaraan kong pag-ibig.

            Hinayaan kong masaktan ang isa sa pinakaimportanteng tao sa buhay ko na si Albert na siyang nagpatawa sa akin sa mga oras na malungkot ako nang pinili ko siyang kalimutan para kay Carl; ngunit nagawa ko lamang siyang iwan nang naramdaman kong umaasa lang ako sa wala. Alam ni Albert na may gusto ako sa kanya ngunit sa tingin ko’y pinagsamantalahan lamang niya ang damdamin ko nang pinapakita niya sa akin na parang may pagtingin siya sa akin ngunit ang totoo’y may gusto pala siyang iba. Dahil nga sa naramdaman ko na panakip butas lamang ako ni Albert ay nagdesisyon akong lumayo sa kanya. Sa pagkakataon ding iyon ay dumating si Carl. Hindi ko inasahang gagaan din ang loob ko sa kanya ng gano’n na gano’n lang sapagkat hindi naman talaga ako madaling magtiwala pagdating sa mga lalaki. At parang nadala na ako sa ginawa ni Albert sa akin.

            Sa loob ng isang gabing magkasama kami ni Carl, nang pinili kong hindi matulog ng gabing iyon ay naging mas malapit kami sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagpapalitan ng opinyon at saloobin sa mga bagay-bagay. At sa gabi ding iyon ay nagawang maghilom at mapunan ang mga pagkukulang sa aking puso. Saya ay nabatid, ngiti ay napahiwatig, puso ay nagsayaw sa bawat musika ng segundong nagdadaan habang kasama ko siya. Akala ko na ang pagtakbo ng oras ay patungo sa walang hanggang kailanman ngunit hindi ko alam na iyon pala ay ang pagsisimula ng pagkaubos ng natitirang oras naming magkasama na maghahatid sa wakas ng kwento ng panaginip ko.

            Nabatid kong ginamit n’ya lang ako para mapag-init ang puso n’yang nanigas sa ihip ng hangin na hatid ng pasko. Bakit nga ba panandalian lang ang lahat? Ngayon pa na naranasan ko nang hindi kinakahiya at magmahal ng totoo. Talaga nga bang tapos na ang lahat? Magagandang alaala ang naiwan ngunit nagdudulot lamang ito ng lungkot sa puso ko sa bawat oras na masagi sa isip ko ang bawat pagsasama naming dalawa.

            Sa kabila ng lahat ng pasakit na naranasan ko Carl, naisip ko rin na isa ito sa mga importanteng aral na maaari kong matutunan sa buhay sa masakit nga lang na paraan. At dahil nga sa pangyayaring iyon ay nabatid ni Albert na hindi n’ya pala kaya na mawala ako sa buhay n’ya. Sabi pa n’ya na nasanay s’ya na andiyan lang ako parati sa tabi niya dahil komportable siya na hawak niya ang mga kamay ko, na kasama niya ako sa lahat ng pagkakataon na nanonood kami ng sine na nakakatakot (matatakutin kasi siya). Pero kaya ko na naman kayang buksan ang puso ko pagkatapos ng lahat-lahat na nangyari sa akin?

            Kay sarap sanang lasapin ang pag-ibig na abot kamay lamang, ngunit nakatatak na sa puso’t isipan ko ang sakit at ang karanasang nagbaon sa aking kamalayan sa walang hanggang dilim. Ngunit sa pagsugal kong ito ay alam kong maaari na naming maulit ang lahat ng nangyari. Alam kong may kakayahan si Albert na pasayahin ako sa kanyang mga natatanging paraan, ngunit base sa ugaling naobsebahan ko sa kanya, palalapit sa mga babae, sobrang malambing at madaling masira ang determinasyon ay ilan sa mga katangian ng mga taong hindi nagtatagal sa isang relasyon dahil madaling magsawa at makahanap ng ibang aliw. Ang mga katangian ni Albert na nasabi ko ay may konting kabaliktaran ng mga ugali ni Carl kaya mas nahulog ang puso ko sa maikling panahon na iyon na kasama ko si Carl. Isa sa natatanging ginawa ni Carl para sa akin ay ang paghawak niya sa mga kamay ko habang naglalakad kami sa loob ng unibersidad at hanggang sa puntong hinatid niya ako sa sakayan ng dyip nang may pinuntahan ako. Natuwa ako nang naramdaman kong hindi niya ako kinakahiya sa kanyang mga kaklase at mga kaibigan, pati sa buong unibersidad.
            Ngunit ang mga pagkakamali kong nagawa noon ay dulot nga ba ng pagkabulag ko sa nakasisilaw, kumikinang at nakakaakit na pag-ibig na iyon o sadyang nagpakatanga lamang ako sa napakahalatang pekeng presentasyon ng nararamdaman?

            Ano mang nagyari sa akin, maging masakit man o masaya ay magiging bahagi na ng pagkatao o na hindi ko maaaring kalimutan. Napaisip nga ako na ang lahat ng tao ay walang kakayahang magbura ng memorya o karanasan sa buhay, nakatago lamang yan sa isip mo ngunit ang lahat ng tao’y may abilidad na limutin ang sakit at pait ng bawat karanasang hindi kanais-nais.

            Katangahan man o pagkabulag ay ang importante ay may nakuha akong aral at karanasan na maaari kong pag-aralan at para maiwasan kong mangyari ulit sa akin iyon. Ang sugat may naging sariwa at malalim, ay binigyan naman ako ng Poon ng kakayahang hilumin ang bawat sugat na maaaring magpasakit sa akin at binigyan ako ng mga taong handing tulungan akong mabalik sa dati.

            Pag-ibig may kapani-paniwala, hindi mo pa rin masasabing ito ay totoo.

No comments:

Post a Comment